Huwag Mo Pa Rin Akong Salingin: Kanser ng Edukasyon Noon at Ngayon

Standard

Sa huling pagsusulit namin sa aming kurso ukol sa buhay at mga akda ni Jose Rizal, kami ay naatasang maglahad ng isang sistemang panlipunan na nabanggit sa nobelang Noli Me Tangere na nagpapatuloy pa rin magpasa-hanggang ngayon. Ang aking napili ay ang problema sa sistema ng edukasyon at sa propesyon ng pagtuturo na nailahad sa kapitulo ika-19 ng Noli na pinamagatang “Mga Kinasapitan ng Isang Maestro sa Escuela.”

Nabanggit sa kabanatang ito ang paghihirap ng isang guro na gampanan ang kanyang bokasyon dala ng mga problemang kanyang kinakaharap sa pagtupad sa kanyang tungkulin. Sinasalamin ng kanyang mga sinapit na problema hindi lamang ang mga kinahaharap na isyu ng sektor ng edukasyon hindi lamang noon, kung hindi magpa-hanggang sa kasalukuyan.

Una, ang pagnanais ng guro na turuan ng wastong paggamit ng wikang Kastila ang mga bata ay hinahadlangan ng impluwensya at pangbubuska ng prayleng si Padre Damaso. Ang klase ng maestro ay isinasagawa sa isang kwarto sa kumbento, katabi ng silid-pahingahan ng paring Pransiskano. Hindi na iba sa pari ang pagalitan ang mga mag-aaral, pati na ang guro kapag naiistorbo ang kanyang paghilik sa kanyang silid. Sa kasalukuyan, maaari itong ihambing sa mga hakbangin ng Simbahan na tutulan at harangin ang mga repormang pang-edukasyon, maging sa mga mga sekular na pampublikong paaralan, kapag ang mga ito ay tumututol sa Kanyang turo, gaya na lamang nang ipanukala ng Reproductive Health Law ang mandatoryong sex education sa mga paaralan. Katulad ng pag-aalala ng maestro sa pagtingin at paggalang sa kanya ng kanyang mga mag-aaral, sa bawat pangmamatang nararanasan niya mula sa pari, nakababahala ring masdan ang integridad at pagiging makabuluhan ng institusyon ng edukasyon na hindi makapiglas sa impluwensyang pulitikal ng Simbahan.

Ipinakikita rin sa kabanata ang dimensyong pulitikal ng paggamit ng wika sa konteksto ng edukasyon. Iminungkahi ni Damaso sa guro na “magkasya na lamang sa sariling wika” nang ito’y nangahas na kausapin ang pari sa wikang Kastila. Makikita rito ang mataas na pagtingin sa wikang dayuhan bilang, ayon nga sa isang kolumnista ay, “wika ng mga aral.” Sa kabila ng sinserong hangarin ng maestong Indio na ituro ang “nakatataas” na linggwahe sa ikagagaling ng kanyang mga kamag-aral, tinapakan ng pari ang kabutihang-loob ng guro sa pagpapahiwatig na tila ilang piling tao lamang ang nararapat na matuto ng wikang mistulang kabanal-banalan. Maihahalintulad ito sa klase ng sistemang pang-edukasyon na nagtatakda na iilang seksyon lamang sa pampublikong paaralan ang nararapat na mag-aral ng mga piling asignatura, samantalang ang iba ay nararapat na lamang magkasya sa nababagay sa kanila.

Bukod rito ay ipinamalas rin ni Rizal kung paanong hawak sa leeg ng mga nasa kapangyarihan ang mga tao sa loob ng institusyon na naghahangad ng reporma mula sa kanilang kinalalagyan. Nang dahil sa pagkapako sa maliit na sahod at hindi kasiguruhan ng tenyur, hindi mailahad ng maestro ang hindi pagsang-ayon sa mga alituntunin at ideyang isinasampal sa kanya ng pari:

 “Anó ang aking magágawâ acóng bahagyâ na magcásiya sa ákin ang áking sueldo, na upang másing̃il co ang sueldong itó’y aking kinacailang̃an ang “visto bueno” ng̃ cura at maglacbay acó sa “cabecera” (pang̃úlong báyan) ng̃ lalawigan; anó ang magágawâ cong laban sa canyá, na siyang pang̃ulong púnò ng̃ calolowa, ng̃ pamamayan at ng̃ pamumuhay sa isáng báyan, linálampihan ng̃ canyáng capisanan, kinatatacutan ng̃ Gobierno, mayaman, macapangyarihan, pinagtatanung̃an, pinakikinggan, pinaniniwalâan at liniling̃ap ng̃ lahát? Cung inaalimura acó’y dapat acóng howág umimíc; cung tumutol aco’y palalayasin acó sa áking pinaghahanapang- búhay at magpacailan ma’y mawawalâ na sa akin ang catungculan co, datapuwa’t hindî dahil sa pagcacágayón co’y mápapacagaling ang pagtúturò…”

Dagdag dito’y hindi lingid sa kaalaman ng maestro na ang klase ng gurong kinalulugdang asal ng Simabahan at Espanya sa mga kaguruan ay ang “matutong magtiís, magpacaalimura, huwág cumilos,” hindi ang pagiging marunong at masipag magturo. Sa kasalukuyang panahon ay matatanaw natin ang kakulangan sa tamang pasahod na laan para sa mga guro, at ang malawakang kontraktwalisasyon sa sektor ng edukasyon na hindi lamang nagpapahirap sa kalagayan ng mga kaguruan, kung hindi pumipigil sa mga ito na tumayo at lumaban para sa makatarungang reporma sa sistema ng pagkatuto. Sa sumunod na pahayag ng maestro, makikitang naisip niya na ring lumisan nang tungkulin at maghanap ng ibang trabaho, katulad na lamang ng mga gurong mas pinipiling tumigil sa pagtuturo at mangibang-bayan upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Tinalakay rin sa kabanata ang ilang mga alituntunin sa pamahalaan na hindi lingid sa kaisipan ng mga mag-aaral at guro ng kasalukyan, kagaya ng isyu ng pagpapataw ng korporal na pagpaparusa, na natutunan ng maestro na imbis na makatulong ay nakahahadlang pa sa pagkatuto ng mag-aaral ay patuloy pa rin na namamasdan sa panahon ngayon sa porma ng pagsatsat ng buhok na hindi ayon sa pamantayan ng paaralan, pagbabayad ng multa sakaling magsalita sa wikang sarili imbis na Ingles at pamamahiya sa mag-aaral. Ang maestro na napiling hindi magpataw ng ganitong uri ng pagdidisiplina dala ng kanyang pag-aaral sa epekto nito sa batang mag-aaral ay ang mismong nakatikim ng panglilibak mula sa Simbahan at sa mga galamay nito. Sa pagtalikod ng sistema ng edukasyon sa progresibo, siyentipiko at epektibong pagtuturong ginagamit ng maestro, hindi lamang pinaghinaan ng loob ang guro, kung hindi pati na rin ang mga mag-aaral.

Ang pagbagsak ng bilang ng mga mag-aaral dulot ng pagbalik sa lumang sistema ng pagtuturo ay maihahalintulad rin sa palaki nang palaking drop-out rates na nararanasan sa kasalukuyan. Ang kahirapan sa pagkatuto, na dinaragdagan pa lalo ng kahirapan ng buhay ay isa sa mga dahilan ng pagdami ng bilang ng mga batang wala sa paaralan sa kasalukuyan. Sa ngayon, dagdag na pasanin sa mga naghihirap na mag-aarala ang hindi maka-estudyanteng polisiya na nagkakait sa kanila ng kanilang karapatang matuto at mapaunlad ang sarili.

Ang nakalulungkot na kawalan ng pagbabago sa sistema ng edukasyon ay makikitang sintomas ng kawalan ng malawakang pagbabago mula pa noong panahon ni Rizal. At kagaya ng iba pang dimensyon ng kalagayan ng lipunan, nag-uugat ito sa paghahari ng iilang interes sa pag-unlad at pamamalakad ng mga institusyon at batas. Nararapat na kung bibigyang lunas ang mga sintomas ng kanser na ito na pumapatay sa edukasyon bilang instrumento ng pagbabago, ay bigyan ng mas mainam na tuon ang sakit sa likod ng sakit, nang sa gayon ay hindi lamang mag-ibang anyo ang mga maliliit na sintomas na nasusupil umano ng reporma.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s